Author Archives: haven overdose

Iskeri me…

Nitong mga nakaraang araw parang hindi maganda ang nararamdaman ko, para akong saranggolang naigtad. Feeling ko ginawa akong tambayan ng mga sakit na hindi ko naman alam kung anong ngalan. Bigla-bigla na lang sasakit ung ganito, hihikain na parang nagjogging ako sa buong Quezon City back and forth, sisipunin na labas utak, mahihilo na parang nakasakay ako sa tsubibo at uubo na parang makakalas ang ribcage. Pero carry lang sabi nga nung speaker kung anong iniisip mo yung ay magkakatotoo (kahit buong araw ako nun nag-iisip ng pizza ay walang pizzang dumating) naniwala pa rin ako kay speaker. Iniisip ko na wala akong sakit at normal akong taong walang anumang deprensya. Yung deprensya sa utak naku dati na un, since birth pa.

 

Sa dami ba naman ng dapat unahin at mga nakakastress na trabaho at pang-inis eh wala ng puwang pa para indahin ko ang kung anumang uri ng masamang elemento sa katawan ko. Hahayaan ko na lang silang magpakasasa sa murang katawan ko, yun ang gusto nila, eh di ibigay. Madali naman akong kausap. Pero minsan talaga para lang nang-aasar lang yung tumatambay sa katawan ko kasi kung kelan gusto kong magmaganda dun naman parang bulateng sinilihan. Isa sa pinakanatatakot ako eh yung turukan ako ng kung ano-ano, iniisip ko hindi naman ako voodoo dolls para tusuk-tusukin kaya hangga’t maaari hindi ako makikipag-EB sa mga taong nakaputi na may dalang headset este ung nilalagay sa tenga tapos pedeng i-mike test ung bilog na flat sa dulo. Ayoko, iskeri.

Para sa mga HINDI Summa Cum Laude…

FORWARDED EMAIL

AUTHOR UNKNOWN

Ngayong araw na ito, sa ating pagtatapos, mayroon akong dalang Transcript of Record. Ang estudyanteng may-ari ng transcript na ito ay nag-aral sa De La Salle University. Sa unibersidad na ito, kapag ikaw ay isang undergraduate, may ID number ka na nagsisimula sa “94” at pataas, kung lumipas ang isang buong school year at umabot ka sa 15 units na bagsak, masisipa ka sa paaralan.

Ang transcript na hawak ko ay mayroong 27 units ng bagsak. 12 sa mga ito ay tinamo ng estudyante sa iisang schoolyear lang. Ang isang subject ay kadalasang may bigat na 3 units. Kung iisiping mabuti, isang subject na bagsak na lang ay pwede na masipa ang estudyanteng may-ari ng transcript na ito.

Ang speech na ito ay hindi ko ginawa para i-acknowledge ang paghihirap ng ating mga magulang sa pagpapaaral satin. Hindi ko din ito ginawa para maghayag ng political statement, o kumbinsihin kayo na huwag umalis sa bansa at tulungan itong makaahon. Ang speech na ito ay para sa mga normal na estudyante na kagaya ng may may-ari ng transcript na hawak ko, dahil madalas, wala talagang pakialam ang unibersidad sa mga achievements nila. May mga awards na gaya ng “Summa Cum Laude”, “Best Thesis Award” at “Leadership Award.” Pero ni minsan, hindi pa ako nakakakita ng unibersidad na nagbigay ng “Hang-on and managed to graduate despite nearly getting kicked-out during his academic stay” award.

Maaaring isang malaking kagaguhan ang konseptong ito para sa karamihan. Bakit mo pararangalan ang isang estudyanteng bulakbol, bobo, tamad o iresponsable? Hindi ba dapat isuka ito ng unibersidad? Ito yung mga tipo ng estudyanteng walang ia-asenso sa buhay, hindi ba?

Ayun. Natumbok niyo.Iyun na nga ang dahilan.

Madalas, pag ang isang estudyante ay may pangit na marka sa paaralan, lalong lalo na sa kolehiyo, nakakapanghina ito ng loob. Nandiyan yung tatamarin ka mag-aral, nandyan yung iisipin mo “Ano pa kayang trabaho ang makukuha ko? Call center na naman o clerical? Ba’t kasi ang bobo ko. Kung matalino lang ako, sana, sa Proctor and Gamble ako, o kung saang sikat na kumpanya.”

Mas mahirap ang dinadaanan ng mga estudyanteng bumabagsak. Kahit na sabihin mong kasalanan nilang bumabagsak sila, hindi ninyo alam kung ano ang pakiramdam ng ganun. Madaling sabihin na “Kaya mo yan, mag-aral ka lang,” pero alam ba natin talaga ang sinasabi natin?

Kapag ang isang estudyante ay bumabagsak sa unibersidad, nandiyan yung tatawanan niya lang yan. O di kaya naman, ipagmamalaki niya pang “TAKE 5 NA KO!!!” o “Pare, magpi-PhD na ako sa Anmath3/Calculus/etc.” Pero hindi alam ng mga isang Summa Cum Laude kung ano ang nasa isip ng isang normal na estudyante sa tuwing matutulog ito at alam niyang pag-gising niya, kailangan niya na namang ulitin ang isang subject na nakuha niya na sa susunod na term.

Kahit kalian, hindi naging problema sa “Star Student” na sabihing “Nay, bagsak ako.” at hindi kailanman sumagi sa isip nila na “Paano kaya kung sa walang-pangalang kumpanya lang ako makapagtrabaho?” Dahil sigurado sila sa kinabukasan nila.

Huwag na tayong maglokohan. Grades are everything. Kahit bali-baligtarin mo iyan, hindi magiging patas ang mga kumpanyang kumukuha ng fresh graduates para magtrabaho sa kanila. Minsan din naman, nadadaan sa palakasan, pero ganun pa din. Kung hindi ka academically good, wala kang patutunguhan. Kung hindi man yun, mas mahirap yung dadaanan mo para lang makaabot sa prestihiyosong posisyon.

Kaya ngayong graduation, ang speech na ito ay inaaalay ko para sa mga estudyanteng lumagpak, muntik-muntikan nang masipa o yung sa lahat ng paraang pwede, ginawa na para lang makatapos. Gagawin kong patas ang mundo para sa inyo kahit isang araw lang. Kahit ano pa ang sabihin ng ibang tao, kesyo kasalanan mo man na pangit ang marka mo o muntik ka nang makick-out, saludo ako sa hindi mo pagtigil sa pag-aaral. Saludo ako na may lakas ka ng loob na harapin pa rin ang mundo kahit alam mong hindi ito magiging patas sa iyo. Saludo ako na kahit pangit ang transcript mo, taas noo ka pa rin ngayong graduation at proud na proud sa sarili mo.

Ano ngayon ang mangyayari sa mga graduates pagkatapos nitong graduation? Ayoko nang puntahan yung pwedeng mangyayari sa mga Cum Laude. Baduy. Alam mo namang may patutunguhan ang buhay nila e. Pero dun sa mga lumagpak, ano ang meron?

Maaring makakuha kayo ng mediocre na trabaho lang. Pwede ka rin swertehin, baka makapagtrabaho ka sa magandang kumpanya. Madami pang pwedeng mangyari. Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Kung nung college, nagtiyaga kayo e ba’t titigilan niyo yung pagti-tiyaga ngayon?

Pwede ring ganito: Mag-aral ka ulit. Ipakita mo sa kanila na kung sisipagin ka lang, malayo ang mararating mo. Subukan mong patunayan sa kanila na kapag pinilit mo, kaya mo ring abutin yung naabot nila. Na hindi ka bobo, kundi tinamad ka lang.

Baka sabihin ninyo, drowing lang ako.

I’ve been on both sides. Naranasan ko na ring lumagpak, at muntikan na din akong masipa. Naranasan ko na ang umulit ng 4 na beses sa iisang subject. Naranasan ko na ang masumbatan ngmagulang, kapatid at kung sino-sino pang propesor na walang pakialam sa pakiramdam ng estuyante. Naranasan ko nang hindi makatulog ng maraming gabi sa pagiisip kung paano ko na naman sasabihin sa magulang ko na may bagsak na naman ako. Kaya alam ko ang pakiramdam ninyo.

Akin ang transcript na ito.

Pagkagraduate ko ng college, ano ang ginawa ko? Eto. Nagtrabaho muna ng konti, tapos aral ulit. Kuha ng Masteral sa kurso ko. Hindi para sa trabaho o kung ano man. Kundi para patunayan sa sarili ko na noong mga panahong bumabagsak ako, tinatamad lang ako.

This is a rebellion. I raise my middle finger to every professor, over-achiever, naysayer and detractor THAT TOLD ME THAT I CAN’T MAKE IT. I raise my middle finger to every valedictory or graduation speech that only gratifies the university, those who were achievers in school or those who gratify the country when it’s supposed to be the graduate’s moment of glory. You are supposed to acknowledge EVERYONE. Even those who failed many times.

Kaya sa inyong mga graduates na medyo hindi maganda ang marka, para sa inyo ito. Kung kinaya ko ito, kaya niyo rin to. Imposibleng hindi.

 

 

————————————————————————————————————————————————-*Forwarded Email lang sa akin.  Speech daw sa isang graduation sa UP(?).  Salamat sa makapaglilinaw kung sino ang author.  Paalala lang na HINDI ko ito isinulat.  – Bob Ong

Ang sarap hampasin ng baseball bat ang ngala-ngala ng boss ko.

Pinipilit kong maging nice at maging isang mabuting mamayan, ka-opisina, anak, kaibigan, empleyado at tao (o akala ko lang yon?) Ngunit may pagkakataon talagang sinusubukan ng pagkakataon kung hanggang saan tatagal ang pagiging maamong puta ko este tupa ko. May mga tao talagang may talento na magpaikli ng pasensya at isa na dito ang dalahira kong amo. Tulad na lang ngayon, halos gusto kong tanggalin ang kuko nila gamit ang takip ng ballpen.

Mistulang di umiinog ang mundo ko habang nakatapat sa pc at busy sa pagiging isang modelong empleyado.

Busy-ako-slash-Isolated-shutdown-ang-mundo.

Ngunit sa di inaasahang sirkumstansya di yata gumana sa sandaling yon ang talent kong autism. Dinig ng tenga ko ang usapan ng dalawa kong kasamahan (isang matanda at isang panda) naging instant noodles ang dating ng mga pangungusap nila, pati ang pagbanggit ng matanda sa aking pangalan ay naging singlinaw ng absolute drinking water. Tahimik, kinig, nakiramdam. Isang pangungusap pa at nawala na talaga ang isang linggong inipong pasensya, nagpanting ang tenga ko.

“Tulad na lang kay (me) kinuwento samin ni madam na di magandang tignan na malapit sila ni (kasamahan kong lalaki/kaibigan ko at ni panda).”

Anak ng amag! Di ko napigilang sumagot.

“Ano bang di maganda sa ginagawa namin? Dahil ba at ease kami sa isa’t-isa, di lang naman ako ang ganyan ah, ano bang ginawa namin? alin ang masagwa? “masagwang tignan na magkasama kayo kasi dalaga ka”, hirit ng matanda.

Utangnamanngtatayko! Masagwa? iyon ba ang batayan ng masagwa? na bawal akong lumapit, o maging malapit sa isang tao dahil dalaga ako? utangnamanngtatayko! Di naman kami nagkakangkangan ah, ni di nga kami nagyayapusan, ni hindi nga kami nag-aakbayan o naghoholding hands man lang. Magkatabi lang kami at nagkukulitan yun lang. Kelan pa naisabatas na masagwang magkasama at maging at ease ang isang tao?

Hindi ko na napigilan ang humalagpos kong pagiging demonyita at pinilit kong ipinaintindi sa matanda na wala ako ng ginawang kailangan nilang ika-alarma. Binanggit daw ng echosera kong boss na hindi daw maganda ang ganun, ang sabi ko hindi ko kailangan baguhin ang sarili ko dahil tingin nila eh masagwa yung ginagawa ko, kung may matino silang pag-iisip, naturingan may pinag-aralan sila bakit kailangan nilang bumaba sa lebel na pang squatter. Lalong lumiit ang tingin ko sa kanila dahil hanggang dun lang ang kaya ng isip nila. Hindi ko kailangan na idepensa sa bawat tao at patunayan ang ugali at pagkatao ko.

Ang akin lang una sa lahat alam ko sa sarili ko na hindi ako kaladkaring babae, inaamin ko makulit ako pero alam ko ang limitasyon ko, pangalawa alam nila na magkakaibigan kami at sya (matanda) mismo ang nagsabi na alam naman niya na ganun lang naman talaga kami, utangnamanngtatayko, mas malala pa nga ang harutan nina panda (kasamahan ko) at nung lalaking yon at walang issue, sa akin issue dahil dalaga ako. Taena talaga! Ok sabi ko given na yun, naiintindihan ko na hindi lahat pare-pareho ang isip ng tao, pro maygudnis! isang may-ari ng kumpanya na may kita na multimilyon ang nag-aksaya ng laway at force para gawing issue ang pagiging malapit ng kanyang empleyado kaysa sa ibigay ang nararapat na benipisyo at sweldo sa kanilang manggagawa, sobrang ganda ko naman yata. Taena, iniisip ko anong moral b ang gusto nilang ipakita? kung yun man ang iniisip nila, eh wala nga silang ginawa kahit ilang beses nang may nagkangkangan sa loob ng kanilang pinakapipitagang kumpanya, na kahit saan abutin ng init cge langng hada at wala silang ginawa. Ganun yata ako kaganda para pag-aksayahan ng panahon na i-chismis ng tulad nilang walang bahid dungis. Pangatlo, kung magkaganun man wala silang pakelam dahil buhay ko naman ito at as long as di ako nagpapakangkang sa loob ng kanilang vicinity. At wala akong balak na sunugin at lasunin ang lahat ng tao diba wala silang dapat ikaalarma.

Ayoko sanang patulan ang ganitong mga kachipan, pero minsan nakakarindi din pala ang ganitong eksena. Tumaas ang boses ko ng sabihin ko sa kanya (tanda) na kahit sabihin at isumbong niya pa ako sa walang bahid dungis na amo niya, paninindigan ko ang sinabi ko, na hanggang dun lang pala sila. Ayokong ipagmayabang ang asal kalye kong ugali, pero katulad ng iba na kapag nasaktan umaalma ganun ako. Hindi ko kailangang baguhin ang ugali ko para sa ikakasiya ng ibang tao, marunong naman akong mag-adjust, marunong akong makinig, ang akin lang pwede naman nila akong kausapin ng tao sa tao, wala namang problema pero yung sa kanya mismo magmula ang isang issue walang katotohanan putcha sobrang cheap niya. Di ako sumusweldo para pati buhay ko ay imaniobra gaya ng gusto nilang mangyari, maging tau-tauhan ang lahat sa kanila. Hindi ako kasama sa mga adbokasiya ng mga empleyado nila na magtanga-tangahan, at magsunod-sunuran sa mga patakaran kuno na hindi naman visible.

Marunong akong gumalang sa mga taong dapat galangin, marunong akong makipagkapwa tao, marunong akong tumanggap ng pagkakamali, pero demonyita ako sa gago sakin. Nakatatlo akong kompanyang pinagtrabahuan pero wala akong na-encounter na ganito. Bukod tangi ang kanilang ugali. Paano pa kung nakilala nila ako nuon, puro lalaki ang mga barkada ko baka isipin ng kanilang moral at malinis na isip na isa kong putatsing. Nakakahiya naman sa malasanto at walang bahid dungis nilang pagkatao nila.

Alam ko na hindi lahat ng tao nakakaintindi kaya naman sa abot ng makakaya ko isinasaksak ko sa gamunggo kong kukote na sila ang nagpapasahod sakin, ngunit hindi naman yata kasama sa sinusweldo ko na may lisensya sila para gumawa ng kaululan sa pagkatao ko. Kung patuloy nila akong iinis magkakaproblema sila ng malaki sakin. Di naman ako war freak dito lang, kakausapin ko sila ng maayos, nang professional dahil iyon ang dapat, para naman malaman nila na tao ako kahit mukha akong hayufs. O sya cge ipapaubaya ko na lang kay papa jesus. Baka bukas kausapin ko yung partner nung mahadera kong boss, malumanay at may paggalang. Bukod sa naisulat ko dito wala naman akong balak na i-massacre sila. Ang tao ang nagbibigay ng malisya sa isang bagay kahit pang alam nilang wala naman talaga at alam nila ang totoo kung lalagyan nila ito ng malisya wala kang magagawa. Pro magkaganun man atleast nasabi ko ang gusto ko. Pagkatapos kong pakawalan tong dragon sa dibdib ko wala na kong pakelam sa kanila, mamatay na sila sa kakachismis di naman ako ang kakarmahin… At kala nila nakaisa sila, sila lang ang magmumukhang cheap sa may utak na makakarinig ng kanilang kacheapan.

bwahahahaha! sabi ko naman magiging nice na ako…(hindi pala)

PBA : may vote goes to…

Kung may mga hinahangaan ako dito sa blogsperyo dahil sa galing nilang magblog isa na si

Hiyaw…

Gusto kong sumigaw, yung sigaw na pati kaluluwa mo humihiyaw ng pagkalakas-lakas pagkatapos nun tapos na, mawawala na yung hirap, yung bigat at yung sakit.

Sana ganun na lang kadali ang lahat, na parang isang utot mo lang labas lahat ang sama ng loob at bigat ng dibdib na nararamdaman mo. Wala akong magawa eh, kumbaga sa isang salarin walang lusot, caught in the act, sapol tagus-tagusan sa lahat ng balunbalunan at lamang loob. OA na kung OA kung sasabihin ko na pasan ko ang daigdig pero kung ilalarawan ko ang nararamdaman ko ngayon un ang drama ko. Gusto kong mag-amok yung bang mala andres bonifacio este tandang sora na may dalang gulok at handang makipagbuwisan ng buhay sa kung sino mang malakas ang loob na humarang sa daraanan ko, dahil sa halo-halong emosyon na nagrarambulan sa puso at isipan ko.

Minsan tinatanong ko si papa jesus na bakit naman po sakin lahat? bakit di po ba pwedeng i-share ninyo naman sa kapatid ko yung iba. Kaso di pwede, di naman ganun kadali lang un diba?,

Gusto kong magreklamo pero kanino? saan? di naman pwede sa barangay dahil baka makutusan lang ako ng kapitan, di din pwede sa korte dahil di pwedeng walang abogado dun, wala, wala akong masabihan dahil ayokong mamerwisyo ng ibang tao dahil alam kong sila din ay may sari-sariling dinadalang bigat sa buhay. Sinasarili ko na lang lahat, kinakaya kahit mahirap, minsan pati pag-iyak pinipigil ko pa para lang matago ang sakit at wala ng magtanong ng bakit? dahil di ko din alam kung paano ko sisimulang magsalita ng di gumagaralgal ang boses at di tumutulo ang luha. Minsan kahit gusto ko ng umiyak at magpakaemo ay wala ng tumutulong luha, marahil pati sya napagod na rin. Gusto kong sabihin na “Di ko na po kaya” pero pagnasalita na sila na “Pasensya na anak” parang gusto kong kumuha ng kutsilyo at gitlin ang sariling leeg sapagkat nagsalita pa ako ng ganun. Madalas ako at ang sarili ko ang nagii-sparring. Minsan trinay ko na ding magmatigas at magbingi-bingihan pero ganun pa din, bumabagsak pa din ako sa pakiramdam na gusto kong kumuha ng kutsilyo at gitlin ang sariling leeg sapagkat nagsalita pa ako ng ganun. Kung pwede ko lang ibigay sa kanila ang lahat gagawin ko, kung pwede lang na lahat ng nararamdaman nila sa katawan ako na ang makaramdam, kung pwede lang sana na kaya kong sakupin lahat gagawin ko kaso wala, eto lang ang kaya kong gawin, eto lang ang kaya kong ibigay. Kung pwede ko lang isangla ang kaluluwa ko kay satanas para lang umayos ang lahat gagawin ko. Kung pwede lang akong magpokpok at sumayaw-sayaw sa makipot na entablado na parang bulateng inasinan gagawin ko, kaso sa bilbil ko palang ay sure akong walang mangangahas na pagnasaan ako, at baka imbes na bumenta ay matulad pa ako sa isang bilasang isda na di mabenta-benta.

Ilang beses na kong nagpakita ng pagsuko, nagparamdam na hindi ko na kaya, humingi ng habag at humiling na tulungan ninyo naman ako pero wa epek ang drama, balik na naman sa “pasensya na anak” at balik na naman sa pakiramdam (sa maraming pagkakataon) na gusto kong kumuha ng kutsilyo at gitlin ang sariling leeg sapagkat nagsalita pa ako ng ganun. Ilang beses kong hiniling sa lahat ng nang mga naglalakihang santo sa lahat ng simbahan, at ipagtirik ng kandila tuwing Linggo sa Quiapo ang napakabait kong kapatid na sana naman haplusin ng awa ang buong pagkatao at kaluluwa niya na pagpahingahin naman ako. Ngunit parang walang talab, wa epek, wa sila care. Ayoko ng makipagtalo dahil alam ko sa huli ako pa rin ang talo.

Minsan kahit ibigay mo nang lahat kulang pa rin, di pa rin sapat. Ayoko na, gusto ko ng tumigil dahil pagod na ko. MUKANGTANGALANG ako dahil di ko pa rin sila matitiis. Minsan masama mang isipin na sana masama na lang akong anak yung walang iniintindi, yung sarili ko lang, yung gusto ko lang ang masusunod. Pero hanggang dun lang yun dahil kahit anong reklamo ko sa sarili ko, kahit makipagbangasan ako sa sarili ko di ko pa rin maiiwan sa ere ang pamilya ko. At kahit anong gawin ko alam ko sa sarili ko na di bale ng walang bagong panty, di bale ng walang bagong pantalon, di bale ng walang bagong cellphone, di bale ng di ako maayos basta sila ok lang. Yun lang panatag na ko, ok na ko dun.

Ayoko na minsan magtanong sa KANYA kung hanggang kelan ako ganito dahil di ko maririnig sagot NYA. Sana lang huwag NIYA na lang silang bigyan ng sakit kahit ako na lang. Di bale ng walang pagkain, di bale ng walang bahay basta wala silang sakit kahit di na ko huminga ok lang, basta maayos ang kalusugan nila ayos na din sakin.

Eto lang bukambibig ko “Laban lang, magpakatatag ka lang, tuloy mo lang ang buhay mo”… yan ang lagi kong binubulong sa sarili ko kapag nanghihina na ko, kapag unti-unting bumibitaw ang puso ko sa nararamdaman ko. Kahit gahibla na lang ang natitirang pag-asa kapit-tuko pa rin ako sa gahiblang pag-asa na yan dahil wala naman silang aasahan kundi ako, at di kakayanin ng konsensya ko kapag may hindi magandang nangyari sa kanila. Kaya geh lang, ok lang. Kahit nakakapagod na, kahit nakakasawa na, kahit na gusto mo ng daganan ka na lang ng hallowblocks sa buong katawan mo laban pa din. Buti nga si pacquiao kahit ilang suntok ang abutin ayos lang kasi may premyo, may milyones na hahalik sa palad niya. Ako? daig ko pa ang punching bag na sinalo na lahat yata ang suntok, tadyak, sipa, upper cut at roundhouse kick with matching bullet na saba-sabay pinalasap sakin ni tadhana pero tayo pa din. Ang kunswelo ko na lang sa lahat ng ito ay hindi pa din ako tinatakasan ni papa jesus, nag-aabang pa din sya alam ko sa finish line.

Ayoko ng ikumpara ang sarili ko sa iba, dahil alam ko hindi man kami pare-pareho ng pinagdadaanan may iba’t-ibang bigat din silang dinadala sa kanilang puso, maaaring sa akin napakababaw ngunit sa kanila ay ganun kabigat ganun din sila sa iba. Hiling ko lang na sana patuloy NIYA pa akong patatagin dahil hindi ko alam kung hanggang saan ako aabot…


Hit me Lotto one more time

Tumataginting na 633,911,065.20 as of Nov. 24, 2010, grand lotto 6/55 draw. Di ba ang laki, kaya kung sino man ang makakakuha nito ay talaga namang super saya at alwan na ng buhay niya. Bawat taong nagtyatyagang pumila at naghihintay ay may kanya-kanyang listahan na kung anong gagawin nila sa pera kung sakaling sila ang palaring maging instant milyonaryo. Bawat numerong sinusulat at perang pinangtataya kaakibat nito ang mga pangarap na nais matupad, at mga pagnanais na gumanda ang kanilang buhay ngunit ang tanong totoo nga bang may maswerteng nilalang ang mamakakuha ng ganitong kalaking halaga?

Sa aking palagay wala, sa aking palagay isa ito sa mga mapanglinlang gawain ng mga nasa posisyon.

Bakit kamo?

Kung iyong susuriin napakaraming taong nagpapakapagod na pumila sa mga lotto outlet sa buong Pilipinas at ni isa ay wala man lang tumatama? Maaaring may iilan ngunit hindi ang ganyang kalaking halaga. Hindi lang naman sa isang tao, isang anim na kombinasyon lamang ang kanyang tinataya minsan 2 o tatlo at kung i-mumultiply mo ito sa libo-libong taong tumataya nakakapagtakang wala ni isa man ang nakatyempo ng tamang kombinasyon. Maaari ninyong sabihin na syempre may daya ito, ngunit ang sa akin lamang eh kung gusto talaga nilang tumulong sa mga taong ito dapat ginagawa nila ang tama. Nakakaawa kasi yung mga taong kakainin na lamang ay ipangtataya pa dahil nagbabakasakali sa perang maswerteng lalapag sa kanilang harapan at papawi sa naghihikahos nilang buhay.

Wala akong direktang kaalaman sa kung paano tumatakbo ang ganitong mga parapol ng kapalaran ngunit hindi ba masakit sa tenga at sa loob na habang nagpapakatanga ang sambayanang Pilipino sa pagtaya, ay gugulatin ka na lamang ng isang balita na may nanalo na (take note invisible winner kuno), at sa pagdaan ng ilang araw ay sasambulat ang akusasyon na ang totoo palang nakatanggap ng PANALONG ito ay ang mga buwayang mga pulitiko sa kanilang kampanya. Super OUCH diba? Sa katotohanan ay napakaraming Pilipino ang naghihikahos at nangangarap na guminhawa ay lalong nalulubog sa kumunoy ng kahirapan sa pagbabakasaling hahalik ang swerte sa kanilang mga pisngi.

Malay mo nga naman kung manalo…

Malay mo nga kung makuha mo ang jackpot…

Malay mo diba… ginagago ka na pero ayos lang…

Di ako maniniwala hanggat di ako ang nanalo…

piZza hut heaR my plea…

Sabi ni sta. Claus, you better watch out you better not cry coz salbes P1000.00GC is coming my way.

Ako yata ang taong pinanganak na walang swerte sa mga paraffle, pakontest ng kung anik-anik dahil sa ayaw sakin ng mga bathalang lucky. pero dahil na rin sa pagnanais makakain ng pizza, susuhulan ko na ang mga bathalang lucky upang mabunot ng mahiwagan kamay ni bb.salbe ang pangalan ko.

eto na ang aking wishlist:

10. sana hindi magbago ang mga kaibigan ko (superfriends, blogfriends, ym & Fb friends…

9. sana bigyan ako ni papa jesus ng maraming blessing

8. sana lumawak pa ang pang-unawa ng taong nagmamahal sakin.

7. sana humaba pa ang buhay ni inda.

6. sana makabili na ko ng bahay para kina mama at dady.

5. sana maka-alis na ako papuntang canada.

4. sana makakuha ulit agad ako ng work pagka-resign ko dito.

3. sana magkaisip na ang kapatid ko at tulungan nia na ko sa gastusin sa bahay.

2. sana maging healthy na ulit si dady

1. sana gumaling na ang mata ng momy ko.

Para sa Make a Wish List Raffle ni Salbehe.


FILL IN THE BLANKS

Ano bang ibig sabihin sayo ng pagkakaibigan? Kung ako ang tatanungin isa itong commitment, Oo, tama, “COMMITMENT” sa isang taong binigyan mo ng puwang upang maging bahagi ng iyong buhay. Ngunit kailan at paano mo masasabing ikaw ay isang mabuting kaibigan? Kailangan bang i-alay mo iyong sarili upang mapatunayan ang iyong katapatan? Kailan bang lagi kang sumasang-ayon sa lahat ng gusto niya?

Sa aking palagay ang isang kaibigan ay nandiyan sa oras na kailangan mo ng kausap hindi upang magpayo ngunit upang ilaan ang kanyang tenga at balikat upang MAKINIG sa mga (walang) kwenta mong mga kwento/hinanakit at kung anu-ano pang kadramahan sa buhay at upang MASANDALAN kapag sobra ng bigat ng iyong dinadala. Isang taong kaya kang samahan sa pinakamalungkot at pinakamasayang bahagi ng iyong buhay. Paano nga ba nasusukat ang isang tao kung karapat-dapat nga siyang maging kaibigan? Maaring sabihin mo na kapag marami kayong bagay na napagkasunduan, katulad din ng mga magsyota, kung jive ang mga ugali ninyo, swak kayong maging magfriends. Ang kaibigan walang pinipiling oras, hindi naghihingi ng oras, kumbaga sa isang shop, 24/7 kang bukas. Pero may mga kaibigan tayo na sinasabi ngunit hindi naman talaga kaibigan ang turing natin. Yun bang ok ka sa kanya kapag kasama ngunit pagwala para lang wala. May iba naman na onesided lang, ikaw yung bigay ng bigay at yung isa ay tanggap lang ng tanggap, may malayo ngunit daig pa ang malapit, may malapit nga pero parang milya-milya naman ang layo sa iyo. Hindi din basehan para sa akin ang tagal ng pinagsamahan, minsan kahit matagal na kayong magkakilala isang pagkakamali lang tapos na ang lahat. Akala mo kilala mo na sya at kilala ka na niya ngunit hindi pala. Ang hirap bumuo ng kaibigan, kasing hirap ng pagbuo ng rubix cube, masalimuot, minsan demanding dahil kailangan mo talagang bigyan ng oras ngunit kapag nabuo mo na ang sarap sa pakiramdam pero paano kung akala mo buo mo na ngunit may isang kulay na pa pala ang hindi sumakto? Kailangan mong humanap ng panibagong stratihiya upang mabuo mo na ito ng lubusan, katulad sa isang pagkakaibigan may mga bagay na susubok ng katatagan ng inyong pagkakaibigan, kailangang parehong humanap ng stratihiya upang mabuo ulit ang isang palasak na, para maisalba ang isang bagay na parehong binuo.

Nagyon ba may mga tao pa bang kaya kang sabayan sa pag-inom ng kape, kayang sakyan ang iyong mga kalokohan, kayang akapin ka ng mahigpit kahit hindi pa bumubuka ang iyong labi, kayang sabihin sa inyo ng derekta ng iyong mali at pagkukulang ng walang alinlangan, kayang magtiwala at rumespeto ng salitang KAIBIGAN?

Kung ganoon, mapalad ka. Sa panahon ngayon napakadalang ang mga taong nakakatagpo ng mga tunay na kaibigan, madalas acquaintance lang… no strings attached.

Ikaw ano sayo ang pagkakaibigan?